Pitong Huling Salot
Nakatayo sa tabi ng isang dagat na salamin ang mga tumangging sumunod sa halimaw, inaawit ang awit ni Moises at ang awit ng Kordero, tinatawag na matuwid at totoo ang mga daan ng ating Ama. Lumalabas ang pitong anghel na nakadamit ng maningning na lino dala ang pitong mangkok, at napupuno ng usok ang templo kaya't walang makakapasok hangga't hindi naibubuhos ang mga ito.
15 1Nakita ko ang isa pang tanda sa langit, dakila at kahanga-hanga: pitong anghel na may hawak ng pitong huling salot, sapagkat sa mga ito natapos ang poot ng ating Ama.
2Nakita ko ang tila isang dagat na salamin na may halong apoy, at nakatayo sa tabi nito ang mga nagtagumpay laban sa halimaw, sa larawan nito, at sa bilang ng pangalan nito, na may hawak na mga alpa mula sa ating Ama. 3At inawit nila ang awit ni Moises, ang lingkod ng ating Ama, at ang awit ni Jesus, ang Kordero: “Dakila at kahanga-hanga ang iyong mga gawa, O Soberanong Ama na Makapangyarihan sa lahat! Matuwid at totoo ang iyong mga daan, Hari ng mga bansa! 4Sino ang hindi matatakot sa iyo, O Ama, at luluwalhati sa iyong pangalan? Sapagkat ikaw lamang ang banal. Ang lahat ng mga bansa ay darating at sasamba sa harapan mo, sapagkat nahayag na ang iyong mga matuwid na gawa.”
5Pagkatapos nito ay tumingin ako, at ang templo, ang tolda ng patotoo, ay nabuksan sa langit. 6Lumabas mula sa templo ang pitong anghel na may pitong salot, nakadamit ng malinis at maningning na lino, na may mga sintas na ginto sa palibot ng kanilang dibdib.
7Pagkatapos ay ibinigay ng isa sa apat na buhay na nilalang sa pitong anghel ang pitong mangkok na ginto na puno ng poot ng ating Ama, na nabubuhay magpakailanpaman. 8Ang usok mula sa kaluwalhatian ng ating Ama at mula sa kaniyang kapangyarihan ay pumuno sa templo; walang sinumang makakapasok dito hanggang matapos ang pitong salot ng pitong anghel.