Sumulat si Pablo kay Timoteo
1 1Si Pablo, apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng ating Ama, ayon sa pangako ng buhay na nasa kay Cristo Jesus, 2kay Timoteo, minamahal kong anak: Sumaiyo nawa ang biyaya, awa, at kapayapaang mula sa ating Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Paningasin ang Alab na Ibinigay sa Iyo ng ating Ama
3Nagpapasalamat ako sa ating Ama, na pinaglilingkuran ko nang may malinis na budhi gaya ng ginawa ng aking mga ninuno, habang walang tigil kang naaalala sa aking mga panalangin, gabi't araw. 4Sa pag-alaala sa iyong mga luha, nananabik akong makita ka, upang mapuspos ako ng kagalakan. 5Naaalala ko ang iyong tapat na pananampalataya—na unang nabuhay sa iyong lola na si Loida at sa iyong inang si Eunice, at ngayon, natitiyak ko, ay nasa iyo na rin.
6Kaya't ipinapaalala ko sa iyo na paningasin mo sa alab ang kaloob ng ating Ama na nasa iyo, sa pamamagitan ng pagpapatong ng aking mga kamay. 7Sapagkat hindi tayo binigyan ng ating Ama ng espiritu ng takot, kundi ng Espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at pagpipigil sa sarili. 8Kaya't huwag kang mahiya sa patotoo ng ating Panginoon, ni sa akin na kanyang bilanggo, kundi makibahagi ka sa paghihirap para sa ebanghelyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng ating Ama. 9Iniligtas at tinawag niya tayo sa isang banal na pagtawag, hindi ayon sa ating mga gawa kundi ayon sa kanyang sariling layunin at biyaya, na ipinagkaloob sa atin kay Cristo Jesus bago pa nagsimula ang panahon, 10at ngayo'y inihayag sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus, na nagwakas sa kamatayan at nagbigay-liwanag sa buhay at kawalang-kamatayan sa pamamagitan ng ebanghelyo. 11Para sa ebanghelyong ito ay itinalaga ako bilang mangangaral, apostol, at guro. 12Iyan ang dahilan kaya ako nagtitiis nang ganito. Ngunit hindi ako nahihiya, sapagkat kilala ko kung sino ang aking pinaniwalaan, at natitiyak kong kaya niyang ingatan ang ipinagkatiwala sa akin hanggang sa araw ng kanyang pagbabalik.
13Panghawakan mo ang huwaran ng mga wastong salitang narinig mo sa akin, sa pananampalataya at pag-ibig na nasa kay Cristo Jesus. 14Ingatan mo ang mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo, sa pamamagitan ng Espiritu Santo na nananahan sa atin.
15Alam mo ito: ang lahat sa lalawigan ng Asia ay tumalikod sa akin, kabilang sina Figelo at Hermogenes. 16Pagkalooban nawa ng ating Panginoong Jesus ng awa ang sambahayan ni Onesiforo, sapagkat madalas niya akong pinapaginhawa at hindi siya nahiya sa aking mga tanikala. 17Sa halip, nang dumating siya sa Roma ay masigasig niya akong hinanap hanggang sa matagpuan niya ako. 18Ipagkaloob nawa ng ating Panginoong Jesus na makasumpong siya ng awa mula sa Panginoon sa araw na iyon. Alam na alam mo kung gaano siya naglingkod sa Efeso.