Purihin Siya ng Buong Sangnilikha
148 1 Aleluya! Purihin ang ating Ama mula sa kalangitan; purihin siya sa kaitaasan. 2 Purihin siya, lahat ng kaniyang mga anghel; purihin siya, lahat ng kaniyang mga hukbo. 3 Purihin siya, araw at buwan; purihin siya, lahat kayong nagniningning na mga bituin. 4 Purihin siya, kayong pinakamataas na kalangitan, at kayong mga tubig sa itaas ng kalangitan. 5 Purihin nila ang pangalan ng ating Ama, sapagkat siya ay nag-utos at sila ay nilikha. 6 Itinatag niya sila magpakailanman; nagbigay siya ng utos na hindi mawawala.
7 Purihin ang ating Ama mula sa lupa, kayong mga nilalang sa dagat at lahat ng kalaliman ng karagatan, 8 apoy at granizo, niyebe at ulap, unos na hangin na tumutupad sa kaniyang salita, 9 mga bundok at lahat ng burol, mga punong namumunga at lahat ng sedro, 10 mababangis na hayop at lahat ng bakahan, mga gumagapang na nilalang at lumilipad na mga ibon, 11 mga hari sa lupa at lahat ng mga bayan, mga prinsipe at lahat ng mga pinuno ng lupa, 12 mga binata at mga dalaga, mga matatanda at mga bata.
13 Purihin nila ang pangalan ng ating Ama, sapagkat ang kaniyang pangalan lamang ang dakila; ang kaniyang kaningningan ay nasa itaas ng lupa at langit. 14 Itinaas niya ang lakas para sa kaniyang bayan, kapurihan para sa lahat ng kaniyang mga tapat, para sa bayan ng Israel na malapit sa kaniya. Aleluya!