Aleluya
111 1 Aleluya! Pupurihin ko ang ating Ama nang buong puso ko, sa piling ng mga matuwid at sa kapulungan. 2 Dakila ang mga gawa ng ating Ama, pinag-aaralan ng lahat ng nasisiyahan sa mga ito. 3 Karingalan at karangalan ang tatak ng kaniyang gawa, at ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailanman. 4 Ginawa niyang alalahanin ang kaniyang mga kababalaghan; ang ating Ama ay mapagbiyaya, puspos ng habag ang kaniyang puso. 5 Nagbibigay siya ng pagkain sa mga natatakot sa kaniya; inaalaala niya ang kaniyang tipan magpakailanman. 6 Ipinakita niya sa kaniyang bayan ang kapangyarihan ng kaniyang mga gawa, ibinigay sa kanila ang pamana ng mga bansa. 7 Ang mga gawa ng kaniyang mga kamay ay tapat at makatarungan; ang lahat ng kaniyang mga utos ay mapagkakatiwalaan. 8 Pinananatili ang mga ito magpakailan-kailanman, isinasagawa nang may katapatan at kalinisang-loob. 9 Nagpadala siya ng katubusan sa kaniyang bayan; itinakda niya ang kaniyang tipan magpakailanman. Banal at kagila-gilalas ang kaniyang pangalan. 10 Ang pagkatakot sa ating Ama ang simula ng karunungan; ang lahat ng nagsasagawa nito ay nagkakamit ng mabuting pang-unawa. Ang kaniyang papuri ay nananatili magpakailanman. a a v10 Ang takot dito ay nangangahulugan ng magalang na pagkamangha at malalim na paggalang, hindi ng malaking sindak o pangamba.