Isang awit. Isang salmo ni Asaf.
83 1 O ating Ama, huwag kang manahimik; huwag kang magsawalang-kibo o manatiling walang-galaw, O ating Ama. 2 Sapagkat tingnan mo, ang iyong mga kaaway ay nagkakagulo; itinaas ng mga napopoot sa iyo ang kanilang mga ulo. 3 Laban sa iyong bayan sila'y lihim na nagbabalak; nagsasabwatan sila laban sa mga itinatangi mo. 4 Sinasabi nila, “Halina, lipulin natin sila bilang isang bansa; upang ang pangalan ng Israel ay hindi na maalaala.” 5 Nagkakaisa ang kanilang isip sa pagsasabwatan; laban sa iyo sila'y gumagawa ng tipan— 6 ang mga tolda ng Edom at ng mga Ismaelita, ang Moab at ang mga Hagrita, 7 ang Gebal at ang Ammon at ang Amalek, ang Filistia kasama ang mga naninirahan sa Tiro. 8 Ang Asiria man ay sumanib sa kanila; sila'y naging malakas na bisig ng mga anak ni Lot. Selah
9 Gawin mo sa kanila ang gaya ng ginawa mo sa Midian, gaya kay Sisera at kay Jabin sa batis ng Kison, 10 na nalipol sa En-dor at naging dumi sa lupa. 11 Gawin mong tulad ni Oreb at ni Zeeb ang kanilang mga maharlika, at tulad ni Zeba at ni Zalmuna ang lahat ng kanilang mga prinsipe, 12 na nagsabi, “Ariin natin para sa ating sarili ang mga pastulan ng Diyos.” 13 O aking Ama, gawin mo silang parang umiikot na alikabok, parang ipa sa harap ng hangin. 14 Kung paanong ang apoy ay lumalamon sa kagubatan, at kung paanong ang liyab ay nagpapaningas sa mga bundok, 15 gayon mo silang habulin sa pamamagitan ng iyong bagyo at sindakin sila sa pamamagitan ng iyong unos. 16 Takpan mo ng kahihiyan ang kanilang mga mukha, upang hanapin nila ang iyong pangalan, O ating Ama. 17 Mapahiya sila at manlupaypay magpakailanman; mamatay sila sa kadustaan, 18 upang kanilang makilala na ikaw lamang, na ang pangalan ay ating Ama, ang Kataas-taasan sa buong lupa.